MANILA, Philippines - Lumutang uli ang husay ng Pinoy sa larangan ng billiards nang hirangin si Dennis Orcollo bilang WPA Player of the Year ng 2011.
Nakuha ng tubong Bislig, Surigao del Sur ang karangalan nang makalikom ng 2,570 puntos tampok ang 900 puntos nang manalo sa WPA World 8-Ball Championship noong Pebrero sa Fujairah, United Arab Emirates (UAE).
May walong WPA tournaments ang idinadaos taun-taon at ang placing ng manlalaro ay nilalagyan ng puntos at matapos ang taon ay susumahin ito para madetermina ang kanilang mga rankings.
Tinalo ni Orcollo si Yukio Akagariyama ng Japan na mayroong 2,382 habang nasa ikatlo si Darren Appleton ng Great Britain (2,256), Ronato Alcano ng Pilipinas (2,063) at Huidji See ng Netherlands (1,795).
Samantala, pilit namang ipagpapatuloy ni Lee Van Corteza ang makinang na laro ng mga Pinoy cue artist sa pagtumbok ng panalo laban kay Yang Ching Shun ng Chinese Taipei ngayong ganap na alas-9 ng gabi sa Philippine Bigtime Billliards Face-Off Series sa PAGCOR Casino sa Parañaque City.