Perpetual spikers itataya ang malinis na karta

MANILA, Philippines - Magpapakatatag ang men’s at women’s team ng host University of Perpe­tual Help System Dalta sa pagpapatuloy ngayon ng 87th NCAA volleyball sa San Beda gym.

Masusukat ang tunay na kalidad ng Lady Altas sa pagharap sa nagdedepensang San Sebastian Lady Stags sa ganap na alas-9 ng umaga habang ang nagdedepensang men’s champion Altas ang sunod na sasalang kontra sa Stags dakong alas-10 ng tanghali.

May 2-0 karta ang Lady Altas para makasalo sa liderato kasama ang San Beda at Emilio Aguinaldo College.

Inaasahan ni coach Mike Rafael na magpapa­tuloy ang solidong laro ng kanyang bataan dahil alam niyang bibigyan sila ng ma­tinding laban ng Lady Stags na ipinakita ang kanilang determinasyong manatiling kampeon nang bumangon mula sa 0-2 iskor tungo sa 18-25, 18-25, 25-16, 25-18, 15-6, tagumpay sa Arellano at pawiin ang straight sets pagkatalo sa San Beda sa unang laro.

Ang mga spikers na sina Sandra delos Santos at Honey Royse Tubino ang mangunguna sa opensa bukod pa sa husay ng setter na si Arriane Mei Argarin.

Mauunang tunggalian ay sa pagitan ng junior teams ng Perpetual at San Sebastian sa ganap na alas-8 ng umaga.

Ang Arellano at Jose Rizal University women’s at men’s team ang tampok na bakbakan sa hapon na magsisimula sa ala-una ng hapon.

 Pinuri naman ni league president mula host Perpetual Anthony Tamayo ang ipinakikita ng kanilang koponan at inaasahan niyang magtutuluy-tuloy ito hanggang sa makuha nila ang inaasam na kam­peonato.

“I congratulate my team for a job well done. Keep it up,” wika ni Tamayo.

Show comments