MANILA, Philippines - Sisikaping ibigay ni Lee Van Corteza ang ikalawang sunod na panalo ng mga Filipino cue artists laban sa mga bisitang manlalaro sa pagpapatuloy ng Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face-Off Series sa Sabado sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Kalaban ni Corteza si Yang Ching-shun ng Chinese-Taipei sa isang race-to-9, 10-ball, winner’s break format na sisimulan sa ganap na alas-9 ng gabi.
Tinapos ni Francisco ‘Django’ Bustamante ang tatlong sunod na panalo ng mga dayuhan nang kalusin si Daryl Peach ng Great Britain, 9-8, noong nakaraang linggo.
“Gagawin ko ang lahat para manalo pa tayo,” wika ni Corteza sa kanyang pakikipagharap kay Yang.
Si Yang ang kauna-unahang Taiwanese na maglalaro sa PBB.
Dahil sa pagkapanalo ng Pinoy player sa huling laban, pinapaboran si Corteza laban kay Yang.
Kilala sa taguri bilang ‘The Son of Poo’, si Yang ay gustong tumulad kina Ralf Souquet at Peach na nanaig rin sa mga nakalabang pambato ng bansa.
Hindi natalo si Souquet sa dalawang laro nito laban kina Dennis Orcollo at Carlo Biado.