MANILA, Philippines - Itataguyod ni dating Senadora Nikki Coseteng ang isang swimming tournament na tutukoy kung sino ang pinakamahusay na manlalangoy ng bansa sa anim na distansya.
Tatawaging 1st Nikki Coseteng Swimming Championship, ang isang araw na palangoy ay gagawin sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Disyembre 18 at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).
Katatampukan ito ng nangungunang 16 na swimmers sa bansa sa anim na paglalabanang distansya at ang oras ay base sa ipinakita sa mga nilahukang international tournaments.
“Layunin ng torneong ito ay para magkaroon ng data base ang ating mga swimmers na hindi nagagawa ng ating National Sports Association (NSA) kahit suportado sila ng pamahalaan at may P34 milyong pondo na nakuha sa PAGCOR,” wika ni Coseteng sa paglulunsad ng torneo kahapon sa Emerald Restaurant sa Roxas Boulevard.
Mas magiging aktibo ang tinutulungang Philippine Swimming League (PSL) na karibal ng PASA ni Mark Joseph matapos mabigo ang ipinadalang Pambansang manlalangoy na manalo ng gintong medalya sa 26th SEA Games sa Indonesia.
Aniya, kahit may suporta ang PASA ay hindi nila alam kung sino ang masasabing panlaban ng Pilipinas sa international tournaments dahil wala silang pinagbabasehang oras mula sa ipinakikita ng mga pambato ng bansa.
Ang gagawing palaro na isasabay sa paggunita ng kaarawan ni Coseteng ay lalahukan ng mahigit na 400 swimmers at mangyayari sa mga age groups na 11-12, 13-14, 15-17 at 18-over sa mga distansyang 200m individual medley, 100m breastrooke, 200m freestyle, 100m backstroke, 100m butterfly at 50m freestyle.
Maliban sa pagpayag na gamitin ang Rizal Memorial Swimming Pool, ang PSC sa pangunguna ni chairman Ricardo Garcia ay magbibigay din ng P100,000 ayuda para gamitin sa palaro.