MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng Boosters ang kanilang pang apat na sunod na panalo, habang mag-uunahan namang makaangat sa isa’t isa ang Tigers at Aces.
Makakaharap ng Petron Blaze ang Barako Bull ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang salpukan ng Powerade at Alaska sa alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Kasalukuyang nasa isang three-game winning streak ang Boosters ni coach Ato Agustin, samantalang nasa isang two-game losing skid naman ang Energy ni Mentor Junel Baculi.
May 7-1 rekord ang Talk ‘N Text kasunod ang Rain or Shine (7-2), Petron Blaze (6-3), Barako Bull (5-3), Meralco (6-4), B-Meg (5-4), Ginebra (4-4), Powerade (3-6), Alaska (1-7) at Shopinas.com (0-10).
Tinalo ng Petron ang Barako Bull, 95-83, sa kanilang unang pagkikita noong Oktubre 7.
“One game at a time muna tayo kasi ang focus ay ‘yung game namin against Barako Bull na maganda ang inilaro sa first round,” wika ni Agustin.
Nakatakdang iparada ng Energy si Jimbo Aquino na kanilang nahugot kasama ang isang 2013 first round draft pick mula sa Gin Kings kapalit ni 2011 PBA No. 8 overall pick Allein Mailksi laban sa Boosters, umiskor ng isang 90-80 sa Elasto Painters noong Linggo.
Huling natalo ang Barako Bull sa Rain or Shine, 81-93 noong nakaraang Biyernes.
Sa ikalawang laro, pipilitin naman ng Tigers na maulit ang kanilang 79-67 paggupo sa Aces sa kanilang unang pagtatagpo noong Oktubre 16 na tinampukan ng 26 points ni Gary David.
Nakatikim ang Powerade ng 96-98 kabiguan sa Meralco.