Orcollo tumumbok ng ginto sa 8-ball event sa SEAG

PALEMBANG, Indone­sia -- Idinagdag ni Dennis Orcollo sa kanyang ko­leksyon ang ginto sa men’s 8-Ball singles sa 26th SEA Games nang manalo sa pambato ng host country na si Ricky Yang, 7-2, sa finals ng torneo na nilaro kahapon sa Jakabaring Billiard Arena dito.

Nagpakita ng talim sa pa­glalaro upang mapangha­wakan ang mataas na es­tado sa kompetisyon, kinuha ni Orcollo ang unang da­­lawang racks sa kanilang race-to-seven finals.

Binuhay ni Yang ang mga manonood nang ma­nalo sa third rack ngunit ru­matsada ang Filipino cue-artist na nanalo rin ng ginto sa Guangzhou Asian Games at kinikilala bi­lang number one player ng World Pool Association, nang kunin ang sumunod na apat na frames at lumapit sa hill.

Isang error ni Orcollo ang kinapitalisa ni Yang pa­ra makadalawa pero hin­di napigil ng Indonesian pla­yer ang napipintong pana­lo nang mapakawalan ang ninth rack tungo sa tagum­pay ng katunggali.

 “Tinalo niya ako nang huli kaming naglaban kaya ta­lagang naghanda ako sa laban namin,” wika ni Or­collo na kinikilala bilang pi­nakamahusay sa larong 8-ball matapos dominahin ang World 8-ball Championship noong Pebrero sa Fu­jai­rah, United Arab Emirates.

“Wala akong naging problema sa laro ko dahil maganda ang latag ng bo­la at pati break ko. Gusto ko ding makatulong para ma­dagdagan ang ginto ng Pilipinas,” ani Or­collo.

Nag-bye sa first round, unang tinalo ni Orcollo si Chan Keng Kwang ng Si­n­ga­­­pore, 7-5, sa quarter­finals bago isinunod si Muhammad Zulfikri ng Indonesia, 7-4, sa semifinals.

Lalabas na ikalawang gintong medalya ito ni Orcollo sa SEA Games dahil na­nalo sila ni Alex Pagula­yan sa 9-ball doubles noong 2005 SEAG sa Pilipinas.

Isa pang medalya ang mag­mumula sa women’s 8-ball singles dahil nasa se­mifinals si Iris Ranola.

Tinalo ni Ranol si Huynh Thi Ngoc Huy ng Viet­nam, 5-1, bago isinunod si Suhana De­wi ng Singapore, 5-4. 

Show comments