JAKARTA, Indonesia - Madaling panalo ang inaasahang makakamit ng men’s basketball team na pakay na maidepensa ang hawak na titulo sa pagbubukas ng laro ngayon sa Britama Arena dito.
Unang kalaban ng tropa ni coach Norman Black ang Cambodia sa Group A sa ganap na alas-11 ng tanghali (12 ng tanghali sa Pilipinas) at masasabing disgrasya na lamang ang makakapigil para makuha ng koponan ang unang panalo.
Matatandaan na noong 2007 pa huling nakapagdaos ng larong baskeball sa SEA Games kung saan dinurog ng ipinadalang koponan ang mga katunggali sa bisa ng 47-point average winning margin.
Ganito rin ang inaasahan sa taong ito dahil binubuo ang koponan ng mahuhusay na collegiate players sa pangunguna nina seven-footer Greg Slaughter, Nico Salva at Keifer Ravena na tinulungan ang Ateneo Blue Eagles na makuha ang pambihirang four-peat sa nakaraang UAAP season.
Isama pa sa koponan ang hinirang na Rookie of the Year Bobby Ray Parks bukod pa ang matitikas na sina Jake Pascual at Garvo Lanete ng San Beda, Ronald Pascual at Ian Sangalang ng San Sebastian at Ryan Garcia ng FEU.
Dagdag rin sa lakas ng koponan si Smart Gilas Pilipinas team skipper Chris Tiu bukod pa sa matatangkad na Fil-Ams na sina Clifford Hodge at Chris Ellis.
Mapapalaban rin ang women’s cage team sa Malaysia sa ganap na ala-1 ng hapon at pilit nilang patataasin ang morale na medyo bumagsak sa pagsungkit ng panalo.
Nawala sa team ang pambatong sentro na si 6’1 Cassandra Tioseco dahil sa sakit na dengue at pilit na papawiin ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng magandang outside shooting.