MANILA, Philippines - Ninombrahan si Glenn Capacio para siyang maging head coach ng AirAsia Philippine Patriots na lalaro sa ikatlong edisyon ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) na magbubukas sa Enero 14.
Si Capacio na dating assistant coach sa koponang pag-aari nina Dr. Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco, ang hahalili kay Louie Alas na hindi na bumalik sa kanyang dating puwesto upang makapagpahinga.
Bago ang nominasyon, si Capacio ay umaakto rin bilang deputy ni coach Norman Black sa men’s basketball team na lalaro sa 26th SEA Games sa Indonesia.
“We believe Glenn can help us in our campaign to regain our title,” wika ni Romero.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na mauupo bilang head coach si Capacio sa koponang pag-aari ni Romero dahil siya ang mentor nang nagkampeon ang Oracle Residences sa 2009 PBL conference para sa ikapitong sunod na titulo ng prangkisa ng Harbour Centre.
“Pinasasalamatan ko ang pagtitiwalang ibinibigay ng team owners. Pero kailangan ko ang pagtutulungan ng lahat lalo na ang mga players para magtagumpay kami,” wika ni Capacio na dati ring head coach ng FEU.
Inihayag naman ni team manager Erick Arejola na patuloy ang ginagawang paghahanap ng manlalarong bubuo ng malakas na koponan at sina Marcy Arellano, Reed Juntilla, Jonathan Fernandez at Eddie Laure ang ilang PBA players na sumasama sa kanilang ensayo.
Kampeon ang Patriots sa unang edisyon ng ABL pero naisuko ang titulo nang matalo sa Chang Thailand Slammers.
Mas matindi ang labanan sa ikatlong edisyon dahil walong koponan na ang magtatagisan.
Ang San Miguel Beermen ng Pilipinas, Bangkok Holdings ng Thailand at Saigon Heat ng Vietnam ang tatlong bagong koponan na makikipag-agawan sa titulo laban sa mga regular na koponan na Patriots, Slammers, Singapore Slingers, Westport KL Dragons at Indonesia Warriors.