Isang linggo na lamang bago ang pormal na pagbubukas ng 26th SEA Games pero problemado pa rin ang organizers kung saan ititira ang mga bisitang darating upang saksihan ang kompetisyon.
“It’s like walking a tight rope,” wika ni Deputy Chief of Mission ng Pilipinas na si Romeo Magat na nauna na para asikasuhin ang pagdating ng atleta ng bansa sa Indonesia.
Tumutulong na si Tommy Winata na kilalang negosyante sa host country nang mangako itong magpapalabas ng tatlong cruise ships na puwedeng maglaman ng 1,200 katao.
Naghahabol ang host country dahil sa Nobyembre 8 ay magsisimula na ang pagdating ng maraming bilang ng atleta, opis-yales at bisita mula sa 9 na kasaling bansa.
Kasama sa bisitang darating ay ang anak ni Mega Star Sharon Cuneta na si KC Concepcion na isa sa mga magbibigay ng pagtatanghal sa opening ceremony sa Nobyembre 12.
Kinukumpirma pa ng organizing committee kung totoo nga na si KC ay darating dahil nakalagay sa kanilang programa na ang kilalang personalidad sa telebisyon ay kasamang aawit nina Indonesian singers Agnes Mojica at Malaysian artist Jacklyn Victor ng “Together We Will Shine”.
Umaasa naman si Magat na totoo ang balitang ito dahil tiyak na tataas din ang morale ng mga Filipino athletes kung makikitang magtatanghal ang kilalang personalidad tulad ni Concepcion. (Angeline Tan)