MANILA, Philippines - Hindi pahihintulutan ng Pambansang boksingero na masira ang magandang record kung paglahok sa malakihang torneo ang pag-uusapan.
“Hindi magpapahuli ang mga Pilipino kung boxing ang pag-uusapan. Mahirap man ang laban dahil naririyan ang Thailand at hindi rin maisasantabi ang Indonesia bilang host, kumbinsido naman kami na maaabot namin ang aming hangarin na pantayan kungdi man ay higitan ang naabot sa Laos noong 2009,” wika ni national coach Pat Gaspi nang bumisita ang koponan sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kahapon.
Kasama sa dumalo ay ang sampung magigiting na boksingero na sina light flyweight Mark Anthony Barriga, flyweight Rey Saludar, bantamweight Junel Cantancio, featherweight Charly Suarez, light welterweight Dennis Galvan at welterweight Delfin Boholst sa kalalakihan at sina pinweight Josie Gabuco, flyweight Alice Kate Aparri, bantam Nesthy Petecio at featherweight Analisa Cruz.
Umani ng limang ginto, isang pilak at tatlong bronze medals ang Pilipinas sa Laos at sina Suarez, Gabuco at Aparri ang magbabalik sa hanay ng mga nanalo ng ginto sa taong ito.
Wala na sila pinweight Bill Vicera at flyweight Annie Albania pero inaasahang hahalili sa kanilang puwesto para sa dagdag ginto ay sina Saludar at Barriga.
Si Saludar ay nanalo ng ginto sa 2010 Guangzhou Asian Games para maipakita ang kahandaan na baguhin ang bronze medal na nakuha sa 2009 Laos SEAG habang si Barriga ay bagito sa torneo pero mataas ang morale matapos mapalaban sa World Championships at kauna-unahang Pinoy boxer na nakatiyak ng puwesto sa London Olympics.