MANILA, Philippines - Halagang P4.4 milyon ang tinanggap ng 16 na atleta at coaches na binigyan ng mga insentibo base sa RA 9064 o National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2011.
Ginawa ang seremonya kagabi kasabay ng send-off sa Pambansang atleta na lalaban sa 26th SEA Games sa Indonesia sa Philsports Arena sa Pasig City.
Si Josephine Paguyo ng soft tennis ang tumanggap ng pinakamalaking insentibo na P250,000 matapos ang pagkapanalo ng bronze medal sa 1995 World Soft Tennis Championships.
Nanguna sa hanay ng mga coaches ay si Johnson Cheng na tumanggap ng P2.066 milyon nang magtagumpay ang mga hinawakang bowlers na sina Liza Clutario, Liza del Rosario at Cecilia Yap sa trios event ng 2003 FIQ World Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang iba pang tumanggap ng insentibo sa atleta ay sina swimmer Sampang Hassan (P112,500), cyclist Victor Espiritu (P50,000) at shooter Jose Medina (35,000) habang ang iba pang coaches o trainer na pinarangalan ay sina Ricardo Ancaja ng bilyar (P605,000), Pacifico at Eufrocina Brobio(P312,500), Nico Valderama (P250,000) at Vicente Valdez (41,666.67) sa bowling, Anthony Lopez (P250,000) Wigberto Clavecilla Jr. (P50,000), Alice Andrada (P25,000), Rodelfo Feliciano (P12,500) at Francis Gaston (P93,750) ng golf, Lope Yngayo (P125,000) ng tennis at Giovanni Mamawal (P125,000) ng soft tennis.
Ang pondo ay nagmula sa PAGCOR at sina PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. ang siyang nag-abot ng tseke sa mga kinauukulan.