MANILA, Philippines - Bumuhos ang puntos para sa San Beda sa panimula ng ikatlong yugto tungo sa 69-61 panalo sa CSB-La Salle Greenhills at hiranging kampeon sa 87th NCAA juniors basketball na pinaglabanan kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagtulung-tulong sa second half sina Francis Abarcar, Daryl Nazareno, Limuel Patenio at Van Adam Abatayo para makahulagpos sa dikitang first half na kung saan angat lamang ang Red Cubs ng tatlong puntos, 29-26.
Ang panalo ay nagresulta para sa double championships ng San Beda sa larangan ng basketball matapos mangibabaw ang Red Lions sa seniors division.
Pero mas makulay ang panalong ito ng Cubs dahil sila na ang may hawak ng pinakamaraming juniors title sa pinakamatandang collegiate league na 19.
“Masarap ang pakiramdam dahil nagawa namin ang aming goal kahit siyam sa mga players ko from last year ay nag-graduate na,” wika ni Cubs coach Brit Reroma.
Si Abarcar ay nagtapos taglay ang 18 puntos at kalahati rito ay ginawa sa huling yugto para mapanatili ang momentum na kinuha ng koponan sa ikatlong yugto.
Dahil sa solidong paglalaro sa Finals, hinirang din ang 17-anyos tubong Laguna na si Abarcar bilang Finals MVP.
Si Daryl Nazareno ay nagdagdag ng 10 puntos habang sina Abatayo at Petino ay nagsanib sa 13 puntos para sa Cubs na naitala ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 15 puntos, 62-47, may 4:30 sa orasan.
May 25 puntos si Thomas Torres pero siya lamang ang nag-init sa opensa ng Greenies upang mabigo ang koponan sa hangaring masungkit ang kauna-unahang juniors title sa NCAA.