Pipitasin na ng Red Cubs

MANILA, Philippines - Mailinya ang koponan sa kasaysayan ng NCAA juniors basketball.

Ito ang dagdag motibas­yon sa manlalaro ng San Beda na makikipagtuos sa ikatlong pagkakataon sa CSB-La Salle Greenhills para sa 87th NCAA juniors basketball title ngayon sa The Arena sa San Juan.

Kailangan lamang ng Red Cubs na manalo sa kanilang katunggali sa ganap na alas-2 ng hapong bakbakan para makuha ang ika-19 na titulo sa ka­nilang prangkisa.

Kasalukuyan ay kasalo ng Red Cubs ang Mapua sa paramihan ng titulo sa high school basketball.

“Goal namin na maku­ha ang 19th title sa school at gagawin namin ang lahat ng makakaya para wa­kasan na ang title series,” wika ni SBC coach Brit Reroma.

May winning momen­tum ang Red Cubs matapos kunin ang 74-73 panalo sa Greenies sa Game Two noong nakaraang Lu­nes.

Sinandalan ng San Be­da ang split sa free throw line ni Daryl Nazareno at ang agaw ni Antonio Bonsubre sa huling opensa ng Greenies para makabawi sa tinamong 85-82 kabiguan sa unang tagisan.

Kailangan lamang ma­nalo ng Red Cubs sa la­rong ito dahil may 1-0 bentahe sila sa pagsisimula ng championship series bilang insentibo sa 18-0 sweep sa double round elimination.

Tiyak namang lalaban nang husto ang Greenies na dapat ding makakuha ng solidong laro mula kay Andre Paras.

Si Paras na nagbigay sa unang panalo ng kanyang koponan ay nalimita­han lamang sa walong puntos sa Game Two at isa lamang sa huling yugto na siyang dahilan sa paglam­ya ng kanilang laro.

Kung manalo pa ang Greenies ang deciding ga­me ay gagawin sa Lunes.

Show comments