MANILA, Philippines - Ipinaalam ng Philippine National Shooting Association (PNSA) ang kanilang paghahangad na sa bansa isagawa ang Youth Olympic Shooting Camp sa 2012.
Sa pagdalo ni PNSA president Mikee Romero sa Asian Shooting Confederation kamakailan kasama si executive director Larry Paredes, binanggit ng mga PNSA officials ang hangarin kay ASC President H.E. Sheik Salman Al Sabah ng Kuwait.
Inaasahang 43 bansa ang magpapadala ng kanilang mga shotgun shooters sa Camp at mangunguna sa magsasalita ang mga dati at kasalukuyang Olympians para ibahagi ang kanilang mga karanasan at nalalaman.
“We need this kind of activity to promote the Philippines as well as the sport of shotgun in the country and the whole of Asia,” ani Romero.
Idinagdag din nito na malaki ang maitutulong ng Camp para umunlad ang mga shotgun shooters ng bansa kaya umaasa si Romero na mapapagbigyan ang kanyang kahilingan.
Maliban sa Pilipinas ay interesado rin ang Malaysia at Singapore para tumayong punong-abala sa Youth Camp.
Sinabi naman ni Paredes na hiniling din ng PNSA na maisagawa sa bansa ang International Jury Certification Course Seminar para madagdagan ang mga Filipino referee and jury sa mga international stints.