MANILA, Philippines - Mga kamag-anak ng mga pinagpipitaganang weightlifters ng bansa na sina Hidilyn Diaz at Nestor Colonia ang nagpasikat sa pagsisimula ng weightlifting sa Batang Pinoy Mindanao qualifying leg.
Sina Mayflor Diaz at Margarette Colonia na pawang mga edad 12-anyos ay nagsipanalo ng ginto sa tagisang ginawa sa Universidad de Zamboanga covered courts.
Si Mayflor na pinsan ni Diaz ay bumuhat ng 26 kgs sa snatch, 33 kgs sa clean and jerck para manalo ng ginto sa 36kg division sa girls weightlifting.
Nagpapansin din si Colonia na anak ng 1988 Seoul Olympian Gregorio Colonia at pinsan ni Nestor nang kunin ang ginto sa girls 44-kg division sa 40kg snatch at 45 kgs sa clean and jerk.
Nagsipanalo rin sina Rossana Mendoza (40kgs), Patria Gregorio (48kgs) at Lyann Pineda (48kgs) upang makasama nina Diaz at Colonia sa National Finals sa Naga City.
Inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng Milo, Jollibee, The British Council, Standard Insurance at Negros Navigation-Super Ferry, ang Zamboanga City ay nagdomina sa Greco Roman nang walisin ang pitong kategorya na ibinigay nina Junjun Fajardo (32 kg), Roderick Natividad (35 kg), Grel Enoc (38 kg), Sonny Boy Mandaj (42 kg), John Lloyd Gonzales (47kg), Clyde Madrazo (52 kg) at Christian Sanoh (59 kg).
Ang Davao Del Norte ay patuloy na umaarangkada sa athletics at sina Carlo Caong at Kimberly Dangil ay nanalo ng kanilang ikalawang ginto sa discus throw sa 31.90m at 22.92m record.