MANILA, Philippines - Inangkin ng FEU ang taguri bilang pinakamahusay sa athletics nang hiranging kampeon sa men’s at women’s division sa 16th PSC-Philippine University Games na idinadaos sa Villareal Sports Complex, Roxas City, Capiz.
Si Josie Malacad at Hanelyn Loquinto ang bumandera sa Lady Tamaraws habang ang men’s team ay umani ng anim na ginto sa huling siyam na events para maging double champion ang FEU.
Nangibabaw si Malacad sa 800m (2:19.60), 400m run (58.80) at 400m hurdles (1:03.53) habang si Loquinto ay hinirang bilang sprint queen nang manalo sa 100m (12.00)at 200m dash (25.62) at ang Lady Tamaraws ay nanalo ng siyam na ginto bukod pa sa tig-limang pilak at bronze medals.
Pumangalawa ang UST sa 5-6-7 habang ang La Salle ang pumangatlo sa dalawang ginto.
Nanguna sa Tamaraws sa mabangis na pagtatapos si Jesson Ramil Cid na dinomina ang 400m hurdle (52.60) at 200m (21.66) para magtapos ang FEU sa nangungunang 7 ginto, 2 pilak at 1 bronze medal.
May 3-4-3 medal tally ang La Salle para pumangalawa habang ang UST ang pumangatlo sa 3-3-3. Ang dating kampeon na Ateneo ay nalagay lamang sa pang-apat sa 3-0-2 medal count.
Sa pangunguna ni veteran internationalist na 21-anyos Jedara Docena, ang Lady Tams ay nanalo sa women’s chess nang tapusin ang anim na round na torneo tangan ang limang panalo at isang tabla tungo sa 11 puntos.
Isang puntos ang inilayo ng FEU sa La Salle na may 10 puntos habang ang CPU ay may 8 puntos para pumangatlo.
Ang San Beda, St. Benilde, Rizal Technological University at UP ay sumungkit din ng kanilang ikalawang titulo sa palarong suportado rin ng Sandugo Sandals at Gatorade.
Ang Lions na nagdomina sa men’s swimming, ay kampeon sa men’s table tennis, ang St. Benilde ay nanalo sa men’s taekwondo gamit ang 7 for 7 pagpapasikat, at sa men’s chess; ang RTU ay nagdomina sa sepak takraw bukod sa softball.