MANILA, Philippines - Dinomina ni Malvinne Ann Alcala ang top seed na si Gelita Castilo sa straight sets, 21-16, 21-9, para magkaroon ng pagkakataon na makuha ang ikalawang titulo sa idinadaos na VP Binay Grand Prix Badminton Open Championships-PBaRS fourth leg sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kampeon ng second leg sa ranking tournament na pinagtulungang itaguyod nina VP Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman/sportsman Manny Pangilinan, si Alcala na lalaro rin sa SEA Games sa Indonesia ay makakalaban si Bianca Carlos sa kampeonato.
Si Carlos ay nanalo kay Reyne Calimlim, 21-16, 21-10, para mamuro rin sa ikalawang titulo sa apat na leg circuit matapos manalo sa first leg sa torneong suportado ng PLDT-Smart Foundation, Robinson’s Mall, Gatorade at equipment sponsor Victor na ipinamamahagi sa bansa ng PCOME Industrial Sales, Inc.
“Medyo nangapa ako sa simula pero nakuha ko rin ang laro ko ng tumagal ang laban,” wika ng 16-anyos na si Carlos ng St. Paul College-Pasig.
Maglalaban din sina Alcala at Carlos sa girls U-19 singles category nang sibakin ni Alcala si Elisha Ongcuangco, 21-4, 21-8, at si Carlos ay nanalo kay Abigail Garcia, 21-11, 21-12.
Ang top seed sa kalalakihan na si Toby Gadi ay nanalo kay Joper Escueta, 21-11, 16-21, 21-19, upang itakda ang laban para sa titulo kontra sa third seed na si Gabriel Magnaye, na pinagpahinga si Ian Mendez, 21-17, 21-17.palarong may basbas ng Philippine Badminton Association (PBA) na pinangungunahan ni VP Binay at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).