MANILA, Philippines - Nagpamalas kaagad ng lakas ang mga koponan mula sa Metro Manila nang umani ng mga panalo sa ball games na nagpasimula sa 2011 PSC-Philippine University Games kahapon sa Villareal Stadium sa Roxas City, Capiz.
Isang upset ang kinuha ng UST nang kanilang pataubin ang nagdedepensang kampeon sa UAAP women’s football na La Salle mula sa 3-2 panalo.
Unang umiskor ang Lady Archers sa pamamagitan ni Charmine Guancia pero itinabla ni Marie Christine Fuertes ang laro bago ang halftime.
Umalagwa ng magkasunod na goals sina Jae Marie Abuan (59th) at Anne Fabon (88th) para balewalain ang goal sa 92nd minute ni Pia Bravo.
Ipinakita naman ng FEU Lady Tams ang angking puwersa gamit ang 5-0 panalo sa Foundation University sa isa pang laro.
Binuksan ng St. Benilde ang paghahangad sa titulo sa men’s division sa 5-1 iskor laban sa Foundation University.
Nagpasikat rin ang National University sa men’s volleyball at women’s basketball, habang ang La Salle, UP at St. Francis Of Assisi ay nanalo rin laban sa mga provincial schools.
Kumabig ang Bulldogs ng 25-15, 25-12, 25-11, panalo sa Negros Oriental University-Dumaguete sa men’s volleyball, habang ang Lady Bulldogs ay nilapa ang Holy Angel University-Pampanga, 97-48.
Ang Archers ay nanalo sa Ateneo de Davao University, 25-8, 25-11, 25-15, para saluhan ang NU sa liderato sa men’s volleyball, habang ang Lady Maroons ay nanaig sa University of San Agustin-Iloilo, 25-21, 25-12, 25-16.
Kinuha ng Doves ang unang panalo sa men’s basketball sa 77-74 dala ng dalawang freethrows ni Denver Rote.