MANILA, Philippines - Patuloy man na mapapaboran ang mga koponan mula sa Metro Manila, tiyak naman na hindi padadaig ang mga provincial teams na magpapaganda sa 16th Philippine University Games na magbubukas ngayon sa Capiz Gym sa Villareal Sports Complex, Roxas City, Capiz.
Pero kung mananatiling dominado ng mga pinapaborang koponan ang mga sports disciplines na paglalabanan, wala ring kaso ito dahil ang mahalaga ay nabigyan ng pagkakataon ang mga atleta ng ibang paaralan na makalaban ang mga mabibigat na atleta at makakatulong din sa kani-kanilang koponan na suriin kung paano pa palalakasin ang kanilang mga sports programs.
Mga kinatawan mula 48 paaralang kalahok ang magsasama-sama sa isang parada na magbibigay sigla sa opening ceremony na inaasahang magtatagal sa loob ng dalawang oras.
Si Capiz 1st District Congressman Antonio del Rosario ang siyang tatayong guest of honor at speaker matapos ang paunang pananalita na ibibigay nina Roxas City Mayor Angel Alan Celino, Capiz Governor Victor A. Tanco Sr. at Monsignor Vicente Hilata ng host school na Colegio dela Purisima Concepcion.
Si Ricardo Garcia na chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), na nagbigay uli ng ayuda para maayos na mapatakbo ang isang linggong torneo, ay magbibigay ng espesyal na mensahe habang ang pambato sa athletics ng host City at Province na si Jearlyn Bornales ang mangunguna sa oath of sportsmanship.
Bago ang opening ilalaro ang basketball, football at volleyball sa alas-7 ng umaga.