MANILA, Philippines - Muling lumabas ang mabangis na laro ni Antonio Lining para maging isa sa limang manunumbok ng Pilipinas na umabante sa fourth round sa 2011 US Open 9-ball Championship sa Chesapeake Convention Center, Chesapeake, Virginia, USA.
Isang rack lamang ang ibinigay ni Lining sa nakalabang si Basher Hussain Abdulmajeed ng Qatar tungo sa 11-1 panalo sa third round.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nanalo sa ganitong iskor si Lining matapos kalusin sa kaparehong iskor si John Troy ng US sa kanyang unang laban.
Pero makikilatis ang tikas na tangan ni Lining dahil sunod niyang makakabangga ang mahusay na si Ralf Souquet ng Germany na umukit ng mga panalo laban kina Douglas Jones (11-1), Shaun Wilkie (11-10) at Bill Dugan (11-3).
Sina 2005 champion Alex Pagulayan, Jundel Mazon, Lee Van Corteza at Warren Kiamco ay lumusot din sa kanilang mga kalaban upang pawiin ang pagkatalo ni Antonio Gabica sa kanyang laban.
May 11-8 tagumpay si Pagulayan kay Grover Foster ng USA; si Mazon ay nanaig sa Chinese player Li Wen-lo, 11-6; si Corteza ay nanaig kay Michael Banks ng US, 11-4; habang si Kiamco ay umiskor ng dikitang 11-10 panalo kay Dennis Hatch ng US.
Si Gabica ay minalas laban kay Jayson Shaw ng Scotland, 1-11, para malaglag sa loser’s bracket.
Samantala, sumama na kay Israel Rota si Jose “Amang” Parica na namahinga sa hanay ng mga Filipino cue artist matapos matalo kay Shane Jackson, 9-11, sa ikatlong laro sa lo-ser’s bracket.
Ang iba pang bigating pangalan sa mundo ng pool na nasa winner’s bracket pa ay sina defending champion Darren Appleton, four-time champion Earl Strickland, two-time champion Mika Immonen, Shane Van Boening at Rodney Morris na nanalo na rin dito.