Baste kontra Bedans sa NCAA Finals

MANILA, Philippines - Napahirapan man ay na­­kumpleto pa rin ng San Sebastian ang hangaring makarating sa Finals sa 87th NCAA men’s basketball nang talunin ang Letran, 63-56, sa pagtatapos ng Final Four kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Sina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual ay nagsanib sa krusyal na 6-0 bomba matapos ang huling tabla sa 55-all para ikasa ang ikatlong sunod na pagkikita ng Stags at nagde­depensang San Beda sa best-of-three championship series na sisimulan sa Lunes sa Araneta Coliseum.

“Isa lang ang sinabi ko sa kanila na magtiwala lang sa isa’t-isa at sa sistema. Masaya ako dahil struggling kami sa mga huling mga laro pero naipanalo itong ma­halagang laban,” wika ni Stags rookie coach Topex Robinson.

Si Abueva ay mayroong 20 puntos at 18 rebounds para sa kanyang ika-18 double double sa taon habang 15 puntos at 12 rebounds ang hatid ni Sangalang.

Bumawi naman si Pas­cual sa mahinang 8 puntos sa tinamong 70-62 kabiguan sa unang tagisan noong Lunes, sa tinapos na 11 puntos.

Ang kanyang drive laban sa depensa ni Kevin Racal ang bumasak sa hu­ling tabla, 57-55, at nagbigay ng kumpiyansa uli sa Stags.

Inilaban ng todo ni Kevin Alas ang Knights nang gumawa ito ng 26 puntos, kasama ang limang tres, bu­kod pa sa 4 rebounds, 3 blocks at 2 steals.

Tatlong sunod na tres ang pinakawalan ng ka­ma­dor ng Letran upang ta­bunan ang 45-55 iskor at mauwi sa tabla ang laban may 4:31 sa orasan.

Ngunit inilabas ng Stags ang championship poise at sinandalan ang kanilang depensa upang tanging si Alas lamang ang nakaiskor pa para sa Knights sa pamamagitan ng split sa 15-foot line.

Sinorpresa naman ng CSB-La Salle Greenhills ang second seed Letran Squires nang patalsikin nila ito, 101-91, sa ikalawang laro sa step-ladder semifinals sa juniors division.

SSC-R 63--Abueva 20, Sangalang 15, Pascual 11, Dela Cruz 9, Antipuesto 3, Del Rio 2, Vitug 2, Miranda 1.

Letran 56--Alas K. 26, Cruz 11, Cortes 8, Alas J. 4, Racal 3, Belorio 2, Dysam 2.

Quarterscores: 17-16; 34-28; 50-41; 63-56.

Show comments