MANILA, Philippines - Mas dapat tutukan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. ang darating na 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre 11-25.
Ito ang sinabi kahapon ni Go Teng Kok, pinipilit na patalsikin ni Cojuangco bilang pangulo ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) at Philippine Karatedo Federation (PKF) at miyembro ng POC.
“We should improve our overall standings in the last SEA Games in Laos,” wika ni Go sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila. “But it looks like Mr. Cojuangco forgot that and is more interested in ousting me.”
Matapos tanghalin bilang overall champion noong 2005 sa nakolektang 113 gold, 84 silver at 94 bronze medals, nahulog ang katayuan ng bansa sa SEA Games sa pagiging No. 5 (38-35-51) sa Laos noong 2009 at No. 6 (41-91-96) sa Thailand noong 2007.
Sinabi pa ni Go na dapat magpatawag ng General Assembly si Cojuangco para malaman ang saloobin ng mga National Sports Association (NSA)s hinggil sa kanilang mga tsansa sa 2011 SEA Games.
Sa 2009 Laos SEA Games, humakot ang mga atleta ni Go sa athletics event ng kabuuang 7 gold, 3 silver at 4 bronze medals sa ilalim ng Thailand (14-20-14), Indonesia (7-7-7) at Vietnam (7-4-11).
Noong 2005 SEAG sa Manila ay nakakolekta ang PATAFA ng 9 gold, 10 silver at 7 bronze medals bago pumang lima sa nasikwat na 5-7-9 medalya sa Thailand noong 2007.(RC)