MANILA, Philippines - Sa napanood niyang bagong mga PBA players, inaasahan ni dating PBA Best Import Billy Ray Bates na may isang Filipino cager na maaaring makapasok sa National Basketball Association (NBA).
“The level of basketball here in the Philippines has greatly improved since I was here playing,” wika ni Bates, “The players now are a lot bigger, stronger, smarter. I really think it’s time for a Filipino basketball player should enter into the NBA.”
Ang tinaguriang ‘Black Superman’ ang naging sandata ng Crispa Redmanizers para makopo ang kanilang ikalawang Grand Slam title noong 1983 bago tulungan ang Anejo Rhum sa unang korona nito noong 1986 katulong si Michael Hackett.
Bago sumabak sa PBA kung saan siya nagtala ng average na 46.0 points per game para sa Crispa noong 1983, naglaro muna si Bates sa NBA para sa mga koponan ng Portland Trailblazers at Los Angeles Lakers.
Ayon sa 55-anyos na si Bates, malaki ang tsansa ng isang Pinoy na makalaro sa NBA.
“I know they’re playing in a high level here in the PBA with a lot of intensity, a lot of energy,” wika ni Bates, kinuha ni team owner Mikee Romero ng Harbour Centre bilang skills coach ng AirAsia Philippine Patriots para sa 3rd ASEAN Basketball League na nakatakda sa Enero ng 2012.
Gustong sundan ng 6-foot-4 na si Bates ang mga yapak nina PBA at UAAP Grandslam coach Norman Black at seven-time PBA Best Import Bobby Parks.
Nagbalik si Bates sa bansa para sa pagluluklok sa kanya sa PBA Hall of Fame sa pagbubukas ng 37th season ng professional league noong Oktubre 2 sa Araneta Coliseum.