MANILA, Philippines - Humihinga pa ang limang pambato ng Pilipinas sa idinadaos na 2011 US Open 9-Ball Championship sa Chesapeake Convention Center, Chesapeake, Virginia USA.
Nagpatuloy ang magandang laro nina Jundel Mazon, Lee Van Corteza at Antonio Gabica habang nakitaan naman ng magandang kondisyon sina Alex Pagulayan at Warren Kiamco upang ang limang ito ay makarating na sa third round ng labanan.
Matapos ang 11-0 panalo kay Sean Martinez, medyo nasukat si Mazon kay Jesse Engel na kanya ring tinalo, 11-8, upang sunod na harapin si Li Wen-lo.
Si Corteza ay pinatalsik sa winner’s bracket ang dating US Amateur Player of the Year na si Raymond Linarez, 11-1, habang madali ring 11-2 ang iniukit ni Doha Asian Games gold medalist Gabica laban kay Marcel Gilbert.
Si Pagulayan na dinomina ang 2005 edisyon ay tumumbok ng 11-3 at 11-2 panalo laban kina Elias Patrikios at Justin Hall ayon sa pagkakasunod habang si Kiamco ay nanalo kina Michael Yednak at John Hernandez sa 11-7 at 11-5 iskor.
Sunod na kalaro ni Pagulayan si Grover Foster habang si Kiamco ay masusukat kay Dennis Hatch.
Ang mga natalo sa winner’s bracket ay nalaglag sa loser’s side at kailangan nilang iwasan na matalo pa para manatiling palaban sa kampeonato sa prestihiyosong kompetisyon sa 9-ball.
Nalaglag naman sa loser’s bracket si Israel Rota nang natalo kay Hall sa 6-11 iskor.
Nakasama ni Rota sa one-loss side si Jose “Amang” Parica na agad na natalo sa unang laban kontra kay Pahdahsong Shognosh, 9-11.