MANILA, Philippines - Nais ni WBC/WBO bantamweight champion Nonito Donaire Jr. na makapag-iwan ng marka sa unang laban sa New York City.
Kaya sa pagkikita nila ni Omar Andres Narvaes sa Oktubre 22 sa WaMu Theater ay binabalak ni Donaire na maagang tapusin ang laban.
“I’ve been planning my steps on how to take him out. But with my power it can end any moment. I’m just glad that everything is going well and the’re seeing my talent and got this opportunity to fight here,” wika ni Donaire na idedepensa sa unang pagkakataon ang titulong inagaw kay Mexican Fernando Montiel gamit ang kahanga-hangang second round KO panalo noong Pebrero.
Si Narvaez ay edad 36- anyos na pero hindi pa natatalo sa 37 laban. Ang dungis lamang niya ay ang dalawang tabla na nangyari sa kaagahan ng kanyang boxing career.
Hari siya sa WBO super flyweight pero umakyat para labanan si Donaire at tangkain ang ikatlong world title matapos pagharian din ang flyweight division.
Hindi naman iniisip ni Donaire na paborito siya sa laban bagkus ay ginawa ang lahat ng dapat na paghahanda para tiyakin ang panalo.
Dahil gabi ang laban kaya’t gabi rin kung magsanay si Donaire upang maikondisyon ang sarili kapag sumampa na sila ni Narvaez sa ring.
“Every fight will always be the biggest fight. I want to take control of this fight and be victorious,” matibay pang pahayag ni Donaire.
Ang labang ito ni Donaire ay kahuli-hulihan sa bantamweight division dahil sa susunod na taon ay aakyat na siya sa 122-pounds. (AT)