MANILA, Philippines - Sisikapin ngayon ng San Beda at San Sebastian na selyuhan ang pagkikita sa Finals sa paghataw ng Final Four ng 87th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Unang sasalang ang No. 1 San Beda laban sa No. 4 Jose Rizal University sa ganap na alas-2 ng hapon, habang ang No. 2 San Sebastian ay makikipagtunggalian sa No. 3 Letran sa alas-4.
Ang Red Lions at Stags ay may tangan ng ‘twice-to-beat’ advantage kontra sa Heavy Bombers at Knights.
Binibigyan naman ng tsansa ang tropa ni coach Vergel Meneses at Louie Alas na makaisa sa serye.
“It’s going to be an interesting semifinals because Letran knows how to beat San Sebastian the same way that JRU knows how to deal with us,” wika ni San Beda coach Frankie Lim, nasa isang seven-game winning streak papasok sa Final Four.
Ngunit kumpiyansa naman si Lim hindi mauulit ang tinamong 65-76 pagkatalo sa Jose Rizal noong Setyembre 14.
“We were coming off from a long break then. This time we are coming off tough games. I believe we will have a different results,” kumpiyansang pahayag ni Lim.
Ang Stags na lumasap ng tatlong kabiguan sa huling apat na laro upang masayang ang naunang pamamayagpag sa 15-0 ay handa rin sa laban kontra sa Knights na siyang nagpasimula ng bangungot na pagtatapos ng tropa ni coach Topex Robinson sa pamamagitan ng 82-81 overtime win noong Setyembre 30.
Aasa ang koponan sa husay nina Calvin Abueva, Ronald Pascual at Ian Sangalang.
Nakita sa laro kontra sa San Beda na kung malilimitahan ang kanilang Big Three ay mahihirapan ang koponan kaya’t kailangan ng Stags ang suporta ng bench.