MANILA, Philippines - Gagamitin ng Energen Pilipinas U-16 team ang unang round ng eliminasyon sa 2nd FIBA-Asia U-16 Men’s Championships bilang tune-up para sa mas matinding tagisan sa susunod na yugto ng torneo.
Umalis kahapon ang koponang hahawakan ni coach Olsen Racela patungong Nha Trang City, Vietnam upang sumali sa torneong gagawin mula Oktubre 18 hanggang 28.
May 15 bansa ang kasali sa torneo at hinati ito sa tatlong grupo. Ang mangungunang tatlong koponan ay aabante sa second round at ang Pilipinas na nakagrupo sa Group D kasama ang host Vietnam at Indonesia ay pawang nakatiyak nang posisyon sa second round dahil tatlo lamang sila sa grupo.
Kailangan ng pambansang koponan na magkaroon ng mas maraming laro dahil nawala sa koponan sina Arvin Tolentino, Gideon Babilonia at Radge Tongco ng San Beda at Gelo Vito ng La Salle Greenhills dahil di na pinayagan ng kanilang paaralan matapos pumasok sa NCAA juniors Final Four.