MANILA, Philippines - Nakapagpasiklab rin si Daniel Parantac nang kunin ang bronze medal sa taiji jian sa taolo habang lima pang sanda athletes ang nakatiyak ng bronze sa idinadaos na 11th Wushu World Championships sa Ankara, Turkey.
Umiskor ng 9.71 puntos sa finals ang 21-anyos na si Parantac para malagay sa ikatlong puwesto kasunod nina Wu Yanan ng China at Jack Chang Loh ng Malaysia na umokupa sa unang dalawang posisyon.
Sina Mark Eddiva (65kgs), Benjie Rivera (56kgs), Mary Jane Estimar (52kgs), Rhea Mae Rifani (48kgs) at Marianne Mariano (56kgs) ay nangibabaw sa mga nakatunggali para makasiguro ng bronze medals sa sanda na dating kilala bilang sanshou.
Tinalo ni Eddiva si Sasun Hayrapetyan ng Armenia; si Rivera ay nanalo kay Jun Youl Cha ng Korea; si Mariano ay nangibabaw kay Ana Claudia Fatia ng Brazil; si Estimar ay nanaig kay Mi Gyeong Noh ng Korea at si Rifani ay lumusot kay Yasmeli Areque ng Egypt.
Ang bagitong si Francisco Solis ay minalas at natalo kay Lim Anthony ng France sa 69 kgs category.
Sisikapin naman nina Jessie Aligaga (48kgs) at Dembert Arcita (52kgs) na dagdagan pa ang mga semifinalist ng bansa sa pagharap laban kina Lakshman Gunasekara ng Sri Lanka at Gulshan ng India, ayon sa pagkakasunod.
Anuman ang kalabasan ng laban ng koponang ipinadala ng Wushu Federation Philippines (WFP) ang anim na bronze medal ang lalabas na pinakamataas na naabot ng koponang ipinadala sa isang World Championships.