Elasto magpapakatatag Lee-Aguilar magkakasukatan

MANILA, Philippines - Itatampok ngayon ang inaasahang magiging pa­si­katan nina 2011 PBA Rookie Draft No. 2 overall pick Paul Lee ng Rain or Shine at 6-foot-8 Japeth Aguilar ng nagdedepensang Talk ‘N Text.

Magtatagpo ang Elasto Painters at ang Tropang Texters ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang salpukan ng Ginebra Gin Kings at Barako Bull Ener­gy sa alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2011-12 PBA Philippine Cup sa Smart-Araneta Coliseum.

Kasalo ng Rain or Shi­ne sa liderato ang Petron Blaze sa magkatulad nilang 2-0 rekord kasunod ang Talk ‘N Text (1-0), Ginebra (1-1), B-Meg (1-1), Me­ralco (1-1), Powerade (1-1), Barako Bull (0-1), Alaska (0-2) at Shopinas.com (0-2).

Bagamat ang 6-foot-1 na si Lee ang naging kamador sa unang dalawang panalo ng Elasto Painters, hindi naman siya binibigyan ng ‘pressure’ ni coach Yeng Guiao.

“Sa mga practices nga namin at tsaka sa mga usa­pan, sinasabi ko lang sa kanya na kung ano lang ang kaya niyang ibigay on that moment,” sabi ni Guiao sa 22-anyos na da­ting pambato ng UE Red Warriors sa UAAP. “Kahit na sa first two performan­ces niya, wala kaming hiningi sa kanya. Kaya nga ‘yung performances niya, surpri­sing talaga kung tutuusin.”

Sa 94-93 panalo laban sa Ginebra at 96-93 tagumpay kontra sa Po­werade, nagposte si Lee ng mga averages na 20.0 points, 5.0 rebounds at 5.5 assists para sa Rain or Shine.

Humakot naman si Aguilar, ang 2009 PBA Rookie Draft No. 1 overall pick ng Burger King, ng 27 markers, 8 boards at 2 steals sa 98-80 paggupo ng Talk ‘N Text sa Meralco.

“Tough match for us,” wika ni Tropang Texters’ mentor Chot Reyes. “Rain or Shine is a balanced, seasoned team playing with a lot of confidence sparked by, so far, the league’s best rookie (Lee).”

Sa ikalawang laro, target naman ng Gin Kings ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang Aces, 83-72, habang puntirya ng Ener­gy ang kanilang kauna-unahang tagumpay upang makabangon sa huling talo.

Show comments