MANILA, Philippines - Binasbasan ni PBA PARTYLIST Congressman Mark Aeron H. Sambar ang taekwondo team na lalahok sa 4th Chicago International Taekwondo Winter Games sa Norridge, Illinois.
Ang delegasyon, pangungunahan nina dating senador Nikki Coseteng at coach Nap Dagdagan Jr., ay handang-handa nang humarap sa pinakamahuhusay na manlalaro ng taekwondo mula sa buong mundo sa Nobyembre 11 hanggang 13.
Binasbasan ni Cong. Sambar ang koponan sa isang courtesy call sa kanyang opisina kahapon.
“Mahalagang ibigay natin ang kailangang suporta ng ating mga atleta at hikayatin ang mga mamamayan na maglaro ng isports,” anang sports enthusiast.
Ang taekwondo varsity team member ng University of the Philippines-Diliman na si Charizza Camille Alombro ang magiging lider ng koponan. Ang iba pang lalahok ay pipiliin mula sa mga mananalo sa Diliman Preparatory School Quezon City Age-Group Taekwondo Championships ngayong Oktubre. Ang pinakamagagaling na jins sa torneong tinawag na “Nikki Coseteng Cup,” ay sasama kay Alombro sa Chicago.
Ang Coseteng Cup, na kinikilala ng NSA Taekwondo Association, ay inaasahang magdadala ng 1,200 kalahok mula sa mga paaralan sa National Capital Region. Ito ang kauna-unahang taekwondo event na isinaayos ng dating mambabatas.