BSCP Nat'l Pool Championship dominado ni Biado

MANILA, Philippines - Tinanghal si Carlo ‘Cool’ Biado na overall champion sa katatapos pa lamang na BSCP National Pool Championship kahapon sa Star Billiards Center sa Grace Village, Quezon City.

Ito’y matapos na makalikom ng kabuuang P200,000 champion purse bunga ng kanyang paghahari sa 8-ball at 2 runner-up finish sa 9-ball at 10-ball event.

Unang nakopo ni Biado ang korona sa 8-ball matapos na igupo si Allan Cuartero, bago pumangalawa siya sa 9-ball sa likod ni Denni Orcollo at sa 10-ball event na pinagharian naman ni Cuartero.

Si Cuartero ay kumubra ng P100,000 habang si Orcollo ay nagkasya lamang sa P50,000.

Naging semifinalist din ang tubong La Union na si Biado sa World Ten Ball Championshbip sa taong ito.

Sa kanilang laban kahapon ni Cuartero sa 10-ball, siniguro ni Cuartero na hindi na makakabalik pa si Biado matapos na iposte ang 5-0 kalamangan.

Isang beses lamang nabigyan ng pagkakataon si Biado na makapuntos sa 5-1, subalit minalas sa sumunod na tira na nagbalik naman kay Cuartero sa tempo upang tuluyan ng agawin ang trangko tungo sa 11-2 pananaig.

“Maganda talaga y’ung nilaro ni Allan (Cuartero) at laging pumabor yung latag ng bola sa kanya,” sabi ni veteran internationalist Ramon “Maestro Monching” Mistica.

“Ngayon ko naramdaman yung pagod,” ani Biado. “Ramdam ko kaagad kanina na parang hindi ko siya makukuha kaya pa­rang negative yung aura ko.”         

Show comments