Orcollo kampeon sa 9-ball

MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang kabiguan kay Carlo Biado, nakaganti na si Dennis Orcollo matapos ipanalo ang ka­nilang finals match, 11-8 sa 9-ball competition ng National Pool Championship sa Star Billiards Center sa Quezon City.

Bumangon ang reig­ning world No.1 player at kasalukuyang World 8-ball champion mula sa isang 3-6 agwat upang payukurin si Biado, nagkampeon sa 8-ball cate­gory ng torneo.

“Alam kong mauunahan niya ako dahil lumaro na siya ng championship sa 8-ball so kabisado na nya ang takbo ng mesa,” sabi ni Orcollo matapos angkinin ang 9-ball title ka­sama ang P50,000 prize.

Natalo si Orcollo kay Biado sa semis ng 8-Ball division at sa quarterfinals ng nakaraang World Ten Ball Cham­pionship.

Sa pagsikwat ni Orcollo sa 9-ball championship, mas tumindi naman ang agawan para sa grand championship, nagsisilbing qualifying event para sa World Pool Summit.

Sina Orcollo at Biado ay may automatic berths na para sa World Pool Sum­mit na nakatakda sa Nobyembre.

Show comments