MANILA, Philippines - Sisimulan ng Talk ‘N Text ang kanilang pagtatanggol sa korona sa pagsagupa sa sister team na Meralco ngayong alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Maglalaban naman sa inisyal na laro sa alas-5:15 ng hapon ang Petron Blaze at ang Barako Bull, dating Air21.
Ang Tropang Texters ang nagkampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup at Commissioners’ Cup, habang tinalo naman sila ng Boosters para sa PBA Governors Cup.
Samantala, natapos na ang isyu ukol sa pagpirma ni Mark Borboran, naging unrestricted free agent sa Alaska, sa isang three-year offer sheet sa Petron Blaze na kaagaw ng Meralco sa kanyang serbisyo.
Nagdesisyon si PBA Commissioner Chito Salud na pahalagahan ang pagkakaroon ng Aces ng right of first refusal para sa susunod na taon kaugnay sa 6-foot-4 na si Borboran na may kontrata pa sa Alaska hanggang Agosto 31.
Dinala ng Aces si Borboran, produkto ng University of the East, sa Bolts para sa 2014 second round overall pick nito. Ngunit hindi ito tinanggap ni Salud.
Matapos idagdag ng Meralco ang kanilang 2013 second round draft pick para makuha si Borboran ay naplantsa na ang naturang trade nila sa Alaska, hahawakan ni dating assistant Joel Banal matapos lumipat si Tim Cone sa B-Meg bago magsimula ang 37th PBA season.
Subalit nakapirma na si Borboran ng offer sheet sa Boosters kung saan makakatanggap siya ng P275,000 a month salary sa kanyang unang taon, P300,000 sa ikalawa at P350,000 sa ikatlo.
Tinapatan naman ito ng Bolts kasunod ang pag-apruba ni Salud para sa tuluyan nang paglalaro ni Borboran sa tropa ni Ryan Gregorio.
Si Borboran, nakatulong ng Aces sa pagkakampeon sa nakaraang 2010 PBA Commissioner’s Cup, ang 6th overall pick ng Express sa 2008 PBA Rookie Draft.