MANILA, Philippines - Ginamit ang kanyang eksperyensa, dinomina ni Ana ‘The Hurricane’ Julaton si Mexican challenger Jessica Villafranca via unanimous decision upang patuloy na isuot ang kan-yang World Boxing Organization (WBO) female super bantamweight belt sa ikalawang sunod na pagkakataon kahapon sa Kanasin, Yucatan sa Mexico.
Bagamat naputukan sa noo, naging agresibo pa rin ang 31-anyos na si Julaton laban sa 18-anyos na si Villafranca upang makakolekta ng 98-91, 96-93 at 97-92 points mula sa tatlong judges.
Nauna nang naidepensa ni Julaton ang kanyang WBO title matapos talunin si American challenger Angel Gladney via unanimous decision noong Hunyo 24 sa Miami, Florida.
Bukod sa WBO female super bantamweight belt, nasikwat rin ni Julaton ang International Boxing Association female super bantamweight crown nang manalo laban kay Mexican Maria Elena Villalobos via split decision noong Hunyo 30, 2010 sa Ontario, Canada.
May 10-2-1 win-loss-draw ring record ngayon si Julaton kasama ang 1 KO, habang ito naman ang pang-apat na kabiguan ni Villafranca para sa kanyang12-4-0 (6 KOs) card.
Si Julaton ay sinanay ni four-time Trainer of the Year Freddie Roach at minsan na ring nakasabay si Manny Pacquiao sa kanyang Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.