MANILA, Philippines - Kapwa kumana ng panalo ang 2010 runner-up STI Colleges at Centro Escolar University sa kani-kanilang kalaban upang manatiling buhay ang tsansa sa NAASCU men's basketball tournament sa Makati Coliseum sa Makati.
Hiniya ng Olympians ang Informatics International Colleges, 67-53, habang giniba ng Scorpions ang AMA Computer University, 79-60 sa 10-team, double tournament na inorganisa ni NAASCU president Dr. Ernesto 'Jay' Adalem ng host school St. Clare College-Caloocan.
May 11-2 rekord ngayon ang Olympians at naagaw nila ang solong ikalawang puwesto sa likod ng nagdedepensang University of Manila na may ‘twice-to-beat’ advantage sa cross-over semifinals.
Haharapin ng STI ang UM sa Lunes sa kanilang huling laro sa elimination.
Tinapos ng Scorpions ni coach Mon Jose ang elimination round sa 10-4.