MANILA, Philippines - Kinailangan pa ng Lady Troopers ang fifth set para ganap nang mapitas ang inaasam na Shakey’s V-League Open Conference title.
Pinayukod ng Philippine Army ang San Sebastian College-Recoletos, 27-25, 20-25, 22-25, 25-23, 15-10, sa Game Two para walisin ang kanilang championship series kahapon sa The Arena sa San Juan.
Tinapos ng Lady Troopers ang kanilang best-of-three titular showdown ng Lady Stags sa 2-0.
“Hindi ko inaasahan na mananalo kami dito kahit na halos national team members ang mga players ko kasi may malalakas na import ang kalaban,” ani Army head coach Rico de Guzman.
Nang makuha ng Army ang first set, hindi naman nagpabaya ang San Sebastian, ang 2008 second conference champion, sa kanilang pag-angkin sa second at third set.
Mula sa pagbandera nina Rachel Ann Daquis at Mary Jean Blase, naitabla ng Lady Troopers ang laro sa 2-2 patungo sa deciding set.
Sina Balse at ang mag-utol na Michelle at Marietta Carolino ang kumuha sa unang anim sa pitong puntos sa fifth set para sa unang korona ng Lady Troopers.
Nauna nang ibinulsa ng Army ang 25-9, 25-20, 25-16 panalo sa kanilang series opener ng San Sebastian noong Linggo.
Sa unang laro, binigo ng Ateneo De Manila University ang Philippine Navy, 14-25, 25-20, 25-18, 19-25, 15-10, upang ganap nang sikwatin ang third place trophy.
Inangkin ng Lady Eagles ang anim sa huling pitong puntos sa fifth set para tapusin ang kanilang laro ng Lady Sailors sa loob ng isang oras at 54 minuto.
Nagtala si Alyssa Valdez ng 23 points, 3 blocks at 2 service aces para pamunuan ang Ateneo, ang first conference champion.
Humataw si Fille Cainglet ng 17 points, habang may 10 hits si Gretchen Ho bukod pa ang 3 blocks at nagdagdag si Dzi Gervacio ng 8 points.
Binanderahan naman ni Aiza Mazo ang Navy sa kanyang 20 points, may 16 si MicMic Laborte at 13 si Nene Ybañez.