MANILA, Philippines - Bumangon mula sa nalasap na kabiguan sa kalabang si Yukio Akagariyama ng Japan si world No. 1 Dennis ‘Robocop’ Orcollo matapos magpasargo ng limang sunod na panalo upang maselyuhan ang isang puwesto sa quarterfinals ng 11th Predator International 10-Ball Championships kahapon sa Robinson’s Galleria sa Ortigas.
Sumargo ng panalo ang reigning world 8-Ball champion sa mga kalabang sina Han Hao Xiang ng China na kanyang ginapi sa iskor na 9-3, isinunod si Jayson Shaw ng America, 9-1 na sinundan nina Daryl Peach ng Great Britain, 9-3 at sa kababayang si Carlo Biado, 9-3 sa loser’s bracket.
Namayani rin si Orcollo sa kapwa Pinoy na si Jundel Mazon, 10-2 sa round-of-16.
Susunod na makakasagupa ni Orcollo ang mananalo sa pagitan nina Ramil ‘Bebeng’ Gallego ng host team at Wu Hao ng China na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.
Agad na pinasiklaban ni Orcollo si Mazon nang kanyang linisin ang unang dalawang racks sa race-to-10 format sa Last 16.
Ngunit nagawang ipatas ni Mazon ang iskor sa 2-all matapos ang dalawang sunod na racks. Subalit hindi na nagpabaya si Orcollo nang kanyang angkinin ang walong sunod na racks tungo sa kanyang pagpasok sa susunod na round.
Ang iba pang quarterfinalists ay sina defending champion Efren “Bata” Reyes na nakaungos sa kababayan na si John Salazar, 10-8, sa Last 16 at si Mika Immonen ng Finland na giniba naman si Chris Melling ng Great Britain, 10-9.