MANILA, Philippines - Alam na ni Manny Pacquiao ang kanyang mga nagawang kamalian mula sa kanilang dalawang beses na laban ni Juan Manuel Marquez, ang pinakamahusay na Mexican counterpuncher.
Sinabi ng kanyang trainer na si Freddie Roach na nagpa-plano sila ng naiibang pag-atake sa Nobyembre 12.
“We're not going to walk into his punch” sabi ng celebrated trainer.
Sa kanilang dalawang ulit na paghaharap, dumiretso si Pacquiao sa right hand ng Mexican at nasaktan.
Tumanggap rin si Pacquiao ng ilang uppercuts mula kay Marquez. Duguan si Pacquiao sa naturang mga laban.
Ngunit sinabi ni Roach na iba na ang kanilang magiging plano.
“We will be more scientific in this fight,” ani Roach, nag-iisip na ng kanilang gagawin mula umaga hanggang gabi.
Si Roach, kasalukuyang nasa Los Angeles, ay darating sa Manila sa Sabado at kinabukasan ay aakyat sa Baguio para sa kanilang three-week training.
“In the first two fights, we got careless trying to land one good shot,” sabi ni Roach sa nangyaring draw noong 2004 at split decision para kay Pacquiao noong 2008.
Bago pa man ang kanilang press tour noong nakaraang linggo ay nagpapakondisyon na si Pacquiao.
“Marquez is tough,” ani Pacquiao, nagpapawis sa Planet Jupiter Gym kamakalawa para sa isang workout.