MANILA, Philippines - Nakitaan ng tibay sa endgame ang Jose Rizal University para mabawian ang Arellano, 79-69, sa 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinatay ng Heavy Bombers ang rally ng Chiefs sa pamamagitan ng 12-0 bomba na pinamunuan nina Jeckster Apinan at Alex Almario upang maipaghiganti ang tinamong 75-79 pagkatalo sa unang tagisan.
Higit dito, tinapos din ng koponan ang apat na sunod na kabiguan upang manatiling buhay pa ang paghahabol para makalaro uli sa Final Four.
“Sa last four games namin, wala yung JRU brand of basketball na aggressiveness at puso. Pero ngayon nakita ko ito sa kanila at may poise sila sa huli,” wika ni sophomore head coach Vergel Meneses.
Si Apinan na hindi starter ay tumapos ng all-around game na 15 puntos, 10 rebounds, 7 assists, 2 blocks at 1 steal sa 24 minutong paglalaro.
Sampung puntos nga ang ibinagsak niya sa huling yugto at sila ni Almario ay gumawa ng tig-apat sa 12-0 run na nagtulak sa kanilang bentahe sa 72-57 mula sa 60-57.
“May tsansa pa kami pero kailangan naming maipanalo ang apat sa huling limang games namin. Pero kung ganito ang ipakikita nila sa mga next games ay lalaban kami,” wika pa ni Meneses na umakyat sa ikapitong puwesto sa 4-9 marka.
May 19 puntos si Adrian Celada para sa Chiefs na nalaglag sa ikatlong sunod na kabiguan at nalaglag sa ikawalong slot sa 4-10 baraha.
Tinapos naman ng Emilio Aguinaldo College ang limang sunod na kabiguan nang kunin ang 77-71 panalo sa University of Perpetual Help System Dalta sa ikalawang laro.
Naispatan ni Emilian Vargas ang libre sa ilalim na si Russell Yaya para bigyan ng 76-71 kalamangan ang Generals may 18 segundo sa orasan upang mapantayan ang Bombers sa 4-9 karta.
Lumayo sa pinakamalaking 22 puntos kalamangan ang Generals, 57-35, sa ikatlong yugto pero hindi agad bumigay ang Altas upang maging kapana-panabik pa rin ang endgame.