MANILA, Philippines - Ang unang panalo ang hangad ng apat na koponan sa pagsisimula ng semifinal round ng Shakey’s V-League Open Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan.
Magtatagpo ang No. 1 Philippine Army at first conference champions at No. 4 Ateneo De Manila University sa ganap na alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng No. 2 San Sebastian College at No. 3 Philippine Navy sa alas-4.
Ang apat na tropa ay sasabak sa isang best-of-three semifinals series.
Ang Lady Troopers at Lady Stags ang umangkin ng unang dalawang tiket sa Final Four, samantalang nagamit naman ng Lady Sailors ang kanilang mas mataas na tiebreaker points at ang Lady Eagles ang huli nilang nakasama.
Itatampok ng Army ang mag-utol na sina Michelle at Marietta Carolino bukod pa kina Rachel Ann Daquis, Joanne Buñag at Mary Jean Balse.
Itatapat naman ng Ateneo sina top hitters Alyssa Valdez at Fille Cainglet katuwang sina Dzi Gervacio, Gretchen Ho, Aerieal Patnongon at Dennise Lazaro.
Para makapasok sa Final Four, tinalo ng Lady Eagles ang Airwomen ng Philippine Air Force sa kanilang playoff nitong Huwebes.