MANILA, Philippines - Umabante sa quarterfinal round ang magkumpareng sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante matapos payukurin sina Raj ‘the Hitman’ Hundal at Amar ‘AK47’ Kang ng India, 8-5, sa 2011 World Cup of Pool sa SM North EDSA Mall sa Quezon City.
“Nasuwertehan lang siguro,” sambit ni Reyes, isang dating WPA 9-ball at 8-ball champion sa kanilang panalo ni Bustamante kina Hundal at Kang sa second round patungo sa Last Eight.
Sina Reyes at Bustamante ay nagkampeon na sa nasabing torneo noong 2006 at 2009.
Nauna nang tinalo nina Reyes at Bustamante sina Omarl Al Shaheen at Khaled Al Mutaira ng Kuwait, 8-4, sa first round.
Binuksan nina Reyes at Bustamante ang laro mula sa 2-0 lamang bago nakatabla sina Hundal at Kang sa 2-2. At matapos makuha ang 6-3 bentahe ay hindi na nagpapigil pa ang dalawa patungo sa Last Eight ng torneo.
Susunod na makakatagpo nina Reyes at Bustamante sa Last Eight sina Ralf Souquet, tumalo kay Dennis Orcollo sa finals ng katatapos na World Pool Masters, at Thorsten Hohmann ng Germany.
Sinibak nina Souquet at Hohmann sina Malaysians Bin Amir at Patrick Ooi, 8-3.
Nakatakda pang labanan nina Orcollo at Ronnie “Volcano” Alcano sina Jason Klatt at John Morra ng Canada kagabi habang isinusulat ito para sa torneong naglalatag ng total purse na $250,000 kung saan $60,000 ang matatanggap ng winning pair.