Tigers Kinumpleto Ang Final 4 Cast

MANILA, Philippines - Gumana uli ang opensa ng UST sa tamang panahon upang makumpleto ang 77-73 panalo laban sa FEU dahilan upang magkasalo na ang dalawang koponan sa standings sa 74th UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.

Pumukol ng di-inaasahang tres si Chris Camus na nasundan ng pangpa­lamang na triple ni rookie Kevin Ferrer para mapawi ng Tigers ang pagkawala ng 35-17 kalamangan sa second period upang magtabla ang dalawa sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa 8-5 baraha.

Si Kevin Abdul ang bu­mandera sa Tigers sa kanyang 20 puntos, 13 rebounds at tig-dalawang steals at blocks at naghatid siya ng tatlong free throws sa endgame upang tulu­yang ibaon ang Tamaraws sa labanan.

“Dahil sa mga players kaya kami nanalo. Andoon ang agressiveness, desire at focus na manalo kaya kahit nawala ang 18-point lead namin ay hindi sila bumigay,” wika ni Tigers coach Alfredo Jarencio.

May 17 puntos, 10 rebounds at 4 assists naman si Ryan Garcia at ang kanyang ikatlong tres ang nagpatikim ng 67-64 kalamangan sa FEU.

Ngunit apat na puntos na lamang ang kanilang naiskor laban sa 13 ng ka­laban para matalo sa sagupaan.

Bago ito ay humirit na­man ng 56-40 panalo ang National University sa La Salle para manatiling nakatuon sa hangarin na magkaroon ng winning mo­mentum bago lisanin ang liga.

Si Bobby Ray Parks Jr. ay mayroong 25 puntos at 12 rito ay ginawa sa hu­ling yugto para tuluyang maiwanan ang Archers at magkasalo ang dalawa sa 5-8 baraha.

UST 77 - Abdul 20, Ferrer 19, Fortuna 14, Teng 11, Camus 9, Vigil 2, Lo 2, Tan 0, Sheriff 0, Lao 0, Pe 0.

FEU 73 - Garcia 17, Po­goy 14, Romeo 12, Exciminiano 10, Ramos 8, Tolomia 6, Escoto 3, Foronda 3, Cruz 0.

Quarterscores: 23-11, 45-32, 55-53, 77-73.

Show comments