NEW YORK --- Matapos sa Quirino Grandstand sa Luneta Park noong Sabado, nakatakda namang magharap sina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez ngayon sa The Lighthouse sa Chelsea Piers sa Pier 60 sa New York City para sa pagpapatuloy ng kanilang four-city global press tour.
Nagtuloy ang tropa ni Pacquiao kahapon sa kanilang pagdating dito sa Loews Regency Hotel suite.
Sa kanyang 20th floor suite, umorder si Pacquiao ng steak, kanin, gulay at prutas para sa kanyang almusal.
Tinanong niya kung nasaan ang piano at kaagad na inutusan si Canadian adviser Michael Koncz na humiram ng isa. At kaagad na iniakyat ang isang Yamaha piano sa kanyang suite at bumirit ng mga kanta ng Beatles na “Imagine” at “Let it Be.”
Matapos manood ng pelikula ni Jason Statham na “Blitz” ay isinakay naman ni Pacquiao ang kanyang grupo sa isang chauffer-driven, black SUV para magpunta sa Apple store at tingnan ang mga pinakabagong gadgets na kanyang kinahihiligan pati na mg anak niya.
“Tingin-tingin lang,” sambit nito.
Dumiretso naman ang tropa sa Louis Vuitton store sa Fifth Avenue kung saan siya bumili ng Dickies shades at gold-plated LV sunglasses na nagkakahalaga ng $3,000.
Hindi naman napigilan si Pacquiao sa pagbili ng isang LV Tambour diver watch na may presyong $27,000 (P1.1 milyon). Ito ay gawa sa red gold at sinasabing isa lamang sa 250 na ginawa at maaaring ilubog ng hanggang 300 metro.
Bumili rin ang Sarangani Congressman ng dalawang pares na dark jeans, dress shirts, belts, shoes at carry-on luggage na gawa lahat ni Louis Vuitton.
Sa press tour sa The Lighthouse ay makakasama ni Pacquiao si singer/songwriter Dan Hill para kantahin ang kanilang Top 10 hit single na ‘Sometimes When We Touch’ na humataw sa American chart.
Naging matagumpay ang pagsisimula ng World Press Tour nina Pacquiao at Marquez sa Quirino Grandstand kung saan sila dinumog ng mga boxing fans.
Sa kanyang pagbiyahe sa United States, nagdala ang Filipino world eight-division champion ng kanyang training equipment bilang pagpapakondisyon sa kanilang ikatlong paghaharap ni Marquez sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Bago pa man dumating sa Maynila ang 38-anyos na si Marquez ay nagpapainit na sa Planet Gym sa Makati City ang 32-anyos na si Pacquiao.
Mula sa New York ay magtutungo ang mga delegasyon nina Pacquiao at Marquez sa Beverly Hills bukas kasunod ang pagtatapos ng kanilang press tour sa Mexico City sa Setyembre 8.
Inaasahan nina Bob Arum ng Top Rank Promotions Arum at Mexican promoter Fernando Beltran ang halos 50,000 fans ni Marquez na dadagsa sa Mexico City.
Itataya ni Pacquiao, may 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, ang kanyang suot na WBO welterweight crown laban kay Marquez (53-5-1, 39 KOs).