MANILA, Philippines - Palalakasin ng Philippine Air Force at Philippine Navy ang kanilang mga tsansa para sa isa sa dalawang natitirang tiket sa Final Four.
Nakatakdang magtagpo ang Airwomen at Lady Sailors ngayong alas-4 ng hapon sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Open Conference sa The Arena sa San Juan.
Nakuha na ng Philippine Army at San Sebastian College ang unang dalawang semifinals berth mula sa kanilang 4-0 at 3-1 rekord, ayon sa pagkakasunod, sa itaas ng Ateneo De Manila University (2-2), Air Force (1-2), Navy (1-3) at Maynilad (0-3).
Sa unang laro sa alas-2, makakaharap ng Lady Troopers ang namemeligrong Water Dragons.
Tinalo na ng Lady Sailors ang Airwomen via three-set win sa kanilang unang pagtatagpo sa eliminasyon noong Agosto 14.
Hangad ng Air Force at Navy ang playoff para sa isang semifinals seat.
Muling babanderahan nina dating Most Valuable Player awardees Nene Bautista at Suzanne Roces ang Lady Sailors katuwang sina Michelle Laborte, Cecile Cruzada, Rose Prochina at Janet Serafica.
Pangungunahan naman nina Aiza Maizo, Jennifer Manzano, Liza Deramos, Amelia Guanco at Wendy Semama ang Airwomen.
Isang injury ang nagpa-upo kay Cherry Macatangay para sa Air Force.
Sa inisyal na aksyon, huhugot naman ng natitirang tsansa ang Maynilad laban sa Army.
Para makatangay ng playoff para sa ikaapat at huling semis slot, kailangan talunin ng Water Dragons ang kanilang huling dalawang laban kasabay ng pagdarasal na hindi makatatlong panalo ang Lady Eagles, Airwomen at Lady Sailors.