MANILA, Philippines - Sinargo ni Filipino dedfending champion Dennis “Robocop” Orcollo ang kanyang unang panalo matapos igupo si Tony “Tornado” Drago ng Malta, 8-2, sa pagsisimula ng 19th year Party Poker World Pool Masters kahapon sa The Block sa SM North Edsa sa Quezon City.
Inangkin ni Orcollo ang 2010 World Pool Masters title nang talunin si Japanese Toru Kuribayashi, 8-3, sa finals sa Las Vegas, Nevada.
“Dito sa race-to-8, winner’s break format, importante na manalo ka agad sa unang laro mo,” sabi ni Orcollo. “Kasi isang talo mo puwede kang mawala dahil maraming magagaling na naglalaro dito sa tournament.”
Kaagad na kinuha ni Orcollo ang malaking 6-1 lamang laban kay Drago.
Ang mintis ni Orcollo sa No.7 ball ang nagbigay kay Drago ng pagkakataon para makalapit sa 2-6 bago angkinin ng Filipino cue master ang sumunod na dalawang lamesa.
May nakalatag na $20,000 top prize sa nasabing Matchroom Sports organized three-day event.
Makakatapat ni Orcollo sa quarterfinals ngayong hapon ang mananalo sa pagitan nina Chang Jung-Lin ng Chinese-Taipei at Shane Van Boening ng United States.