Maraming tatalakayin sa PBA Board meeting

HONG KONG - Ang mga usapin mula sa team salary cap, conference for­mat at budget hanggan sa height limit ng mga imports ang tatalakayin sa three-day PBA Board of Governors annual planning session dito.

Sinabi ng bagong PBA Board chairman na si Mamerto Mondragon ng Rain or Shine na ang paglobo ng salary cap ng bawat PBA team mula sa kasalukuyang P36 milyon hanggang P37 milyon ay inaasahang aayunan ng 10-man board.

“Definitely, isa sa mga pag-uusapan iyan (team salary cap). Matagal na rin kasing may discussion regarding the matter (Definitely it’s in the agenda since it has been taken up for some time),” ani Mon­dragon.

Kung maaaprubahan, ang bagong team cap ay ipatutupad sa 37th season na magsisimula sa Oktub­re 2 sa Smart Araneta Coliseum.

Ang pagkakaroon naman ng mga imports na may unlimited height para sa second conference ay kailangan pang pag-usapan ng PBA Board, dagdag ni Mondragon.

“The board will have to discuss it first because there are some resistance. It’s usually hard to tap imports who are 6-5 and below during the third conference,” wika ng Rain or Shine executive.

Ang Talk ‘N Text, ayon sa isang source, ang nagtutulak ng pagkakaroon ng mga imports na may un­limited height kung saan nila magagamit si 6-foot-11 naturalized player Marcus Douthit bilang import.

Ang 30-anyos na si Douthit ay kasalukuyang naglalaro sa Smart Gilas PIlipinas.

Ang salary na ibinibigay ng mga PBA teams sa im­ports ay mula $14,000 hang­gang $16,000.

Ito ay tatalakayin rin ng PBA Board.   

Show comments