Big man, shooter gustong makuha ng Petron sa 2011 PBA Rookie Draft

MANILA, Philippines - Isang big man at isang shooter ang hahanapin ng Petron Blaze sa darating na 2011 PBA Rookie Draft na nakatakda sa Linggo sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.

 Tinalo ng Boosters ang Talk ‘N Text Tropang Tex­ters, 4-3, sa kanilang best-of-seven championship series para angkinin ang katatapos na 2011 PBA Governors Cup.

Nagawa ito ng Petron na wala ang mga injured na sina Jay Washington, Rabeh Al-Hussaini, Joseph Yeo at Lordy Tugade.

“As I’ve said kulang kami sa big man and isang shooter without Jay-Wash (Washington) and Joseph (Yeo). So we’ll first concentrate on getting the players we need,” sabi ni rookie coach Ato Agustin kahapon sa lingguhang PSA forum sa Shakey’s U.N. Avenue branch.

Sina Washington at Al-Hussaini ay makakabalik sa gitna ng darating na Phi­lip­pine Cup ng 37th season ng PBA, habang si Tugade, kasama si Jojo Duncil, ay malamang na bumalik sa Shopinas, dating Barako Bull, dagdag ni Agustin.

 Ang Shopinas, bumili sa prangkisa ng Barako Bull at kasama sa Bert Lina Group of Companies, ay gagabayan ni Franz Pumaren.

“Kung puwedeng makuha `yung mga Smart Gilas shooters, bakit hindi,” wika ni Agustin kina Fil-Ams Marcio Lassiter at Chris Lutz. “Pero ang tanong, kung aabot pa kami.”

Show comments