MANILA, Philippines - Matapos si Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria, si Jether Oliva ang ikalawang Filipino na magtatangkang agawan ng korona si Mexican world light flyweight champion Ulises ‘Archie’ Solis.
Hahamunin ni Oliva si Solis para sa suot nitong International Boxing Federation (IBF) light flyweight crown sa Linggo sa Guadalajara, Mexico.
Matatandaang inalisan ni Viloria si Solis ng dating hawak nitong IBF light flyweight title via 11th-round TKO noong Abril 19, 2009 sa Araneta Coliseum.
Nawala kay Viloria ang titulo nang matalo kay Carlos Tamara ng Colombia via 12th-round TKO noong Enero 23, 2010 sa Cuneta Astrodome.
Natalo naman si Tamara kay Luis Alberto Lazarte ng Argentina mula sa isang split decision noong Mayo 29, 2010.
Ang IBF belt ay muling napasakamay ni Solis nang igupo si Lazarte via split decision sa kanilang rematch noong Abril 30, 2011.
Itataya ni Solis, may 33-2-3 win-loss-draw ring record kasama ang 21 KOs, ang kanyang titulo kay Oliva (18-0-1, 11 KOs) sa Linggo.
“We are going to give a great show for my people of Guadalajara,” sabi ni Solis laban kay Oliva.