MANILA, Philippines - Humigpit ang labanan sa 74th UAAP women’s basketball tournament nang ipalasap ng De La Salle ang ikalawang sunod na kabiguan ng UST, 51-49, sa Araneta Coliseum.
Gumawa ng tig-12 puntos sina Aracelie Abaca at Hannah Viterbo, habang may 11 si Trisha Piatos para sa Lady Archers.
Nakatulong rin para sa La Salle ang 17 rebounds na ginawa ni Kady Wilson upang masungkit ang kanilang 6-3 rekord.
Si Paula Bombeo ay may 10 puntos sa panig ng UST.
Dahil dito, nalaglag ang Tigresses, winalis ang first round, sa 7-2 karta at kasalo ang Adamson at FEU sa liderato matapos magsipanalo ang Lady Falcons at Lady Tamaraws.
Humugot ng 21 puntos at 10 rebounds si Snow Penaranda para pangunahan ang Adamson sa 75-42 pagdurog sa UP, habang nanalo ang FEU sa National University, 83-60.
Ang host Ateneo ay palaban pa rin sa puwesto sa Final Four nang kunin ang ikalimang panalo sa siyam na laro laban sa UE, 61-57.