MANILA, Philippines - Matapos ang kanilang 3rd place finish sa katatapos na Williams Jones Cup sa Chinese-Taipei, nakatutok naman ang Smart Gilas Pilipinas sa isang four-team pocket tournament na nakatakda sa Agosto 24-30 sa Doha, Qatar.
Inaasahan ni Nationals coach Rajko Toroman na mahihiram na nila sina Jimmy Alapag, Kelly Williams at Ranidel de Ocampo ng Talk 'N Text.
“Our focus now after the Jones up is to join the Qatar tournament because there we will have a chance to play together with Kelly, Jimmy and Ranidel,” wika ni Toroman, ihahanda ang Smart Gilas para sa darating na FIBA-Asia Championship na nakatakda sa Setyembre 15-25 sa Wuhan, China kung saan ang mananalo ang kakatawan sa Asya para sa 2012 London Olympics.
“Of course, this tournament is really for Kelly, Jimmy and Ranidel because we want them to mix well with the team since we only have about a month to prepare for Wuhan,” dagdag pa ni Toroman.
Makakasabayan ng Nationals sa Doha, Qatar ang mga koponan ng Lebanon at Syria.
Ang pocket tournament ay may single-round robin format kung saan ang No. 1 team ang lalaban sa No. 4 at ang No. 2 squad ay sasagupa sa No. 3 sa semifinals at ang dalawang mananaig ang magtatagpo sa finals.
Sina Alapag, Williams at De Ocampo ang makakatuwang nina Asi Taulava ng Meralco at Dondon Hontiveros ng Air21 kasama sina naturalized Marcus Douthit, Chris Tiu, JV Casio, Mac Baracael, Japeth Aguilar, Marcio Lassiter, Chris Lutz, Dylan Ababou at Jason Ballesteros.
Tinalo ng Smart Gilas ang host Chinese Taipei, 82-72, para sa third place trophy sa Jones Cup.